Pagbasa ng hatol sa 4 na shabu chemist naudlot

Nagkagulo ang mga tao kahapon sa isang korte ng Pasig City ng ipinagpaliban ang pagbasa ng hatol sa apat na Chinese national na nahuli habang nagluluto ng shabu sa isang laboratoryo sa nasabing lungsod noong 2001 na ikinadismaya ni Anti-illegal Drugs Special Task Force chief General Edgardo Aglipay.

Ayon kay Judge Leoncio Janolo Jr. ng National Capital Judicial Region ng Pasig RTC Branch 264 na ipinagpaliban niya ang pagbasa ng hatol sa mga akusadong sina Chua Chi Li, Huang Hing Weie, Xingfu Wang at Joey Lu, pawang mga chemist sa isang laboratoryong ni-raid sa lungsod ng Pasig.

Ang pagbasa ng hatol ay iniurong makaraang magkasundo ang defense lawyer na si Atty. Hipolito Sanez at State Prosecutor Pablo Hormaran ng dinggin na lang ang pagbasa sa susunod na Biyernes (Hunyo 25).

Kinondena naman ni Gen. Aglipay ang pangyayari at sinabi nitong ang hindi pagtuloy ng pagbasa ng hatol sa mga akusado ay isang ‘delaying tactics’ ng mga drug syndicate para mahilot umano ang sentensya ng mga ito.

Magugunitang noong nakalipas na Nobyembre 6, 2001 naaktuhan ng operatiba ang apat na Intsik sa aktong nagluluto ng shabu sa isang laboratoryo sa 44 San Agustin St., Capitol 8 Subdivision, Brgy. Kapitolyo sa lungsod.

Nasamsam sa mga ito ang anim na kilong finish product ng shabu at 200 liquid shabu na noon ay nakasalang, matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments