Mag-utol na nagpanggap na abugado,arestado

Naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang magkapatid na nagpapanggap na abugado at nagbebenta ng mga pekeng dokumento sa korte matapos ang isinagawang entrapment operation, kamakalawa sa Recto, Maynila.

Kinilala ni NBI agent Darwin Francisco, may hawak ng kaso ang mga dinakip na suspect na sina Allan at Mike Medina, kapwa residente ng Sampaloc, Maynila.

Ang pagkaaresto sa mga suspect ay bunsod ng sunud-sunod na reklamong natatanggap ng NBI sa mga ilegal na operasyon ng magkapatid sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga pekeng dokumento sa korte na nagkakahalaga mula P1,500 hanggang P3,500 bawat isa.

Dahil dito, inihanda ng NBI ang bitag laban sa mga suspect. Inaktuhan ang mga ito ng operatiba habang hawak ang annulment papers ng isang poseur buyer kapalit ng halagang P1,500 sa loob ng Greenwich Pizza Plaza sa may Recto.

Narekober din mula sa pag-iingat ng mga suspect ang ibat-ibang Professional Regulation Commission (PRC) ID cards, adoption at annulment papers, marriage licenses at contracts, mga pekeng diploma at transcript of records.

Inihahanda na ang kaso laban sa magkapatid na pekeng abugado. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments