Congressman,isang araw lang nanungkulan

Matapos ang tatlong taong pakikipaglaban iprinoklama na rin kahapon bilang nanalong Congressman ng Pasig City si Noel "Toti" Cariño sa ginanap na 2001 eleksyon subalit nagsimula at natapos ang kanyang termino ng isang araw lamang.

Wala nang nagawa pa si Cariño kundi ang matawa makaraang malaman niya ang pagpoproklama sa kanya bilang congressman ng Pasig City at hindi ang kalaban niyang umupong kongresista na si Henry Lanot sa mismong araw din ng pagtatapos ng 12th Congress.

"Sa wakas kahit isang araw lang ay naging Congressman ako, tinubuan na nga ako ng ugat sa kakaantay ng desisyon", sabi ni Cariño.

Sinabi din nito na nadismaya siya dahil hindi man lang niya napagsilbihan ang mga residente sa Pasig City na bumoto sa kanya.

Si Cariño ay hinirang ng congressman makaraang magdesisyon ang High Electoral Tribunal ng kongreso na siya talaga ang nanalo at hindi si Henry Lanot.

Hindi rin naman pinalad na manalo si Cariño ngayong nakaraang eleksyon makaraang tumakbo uli ito bilang congressman ng nasabing lungsod at talunin ng bagitong si Dodot Jaworski, anak ni dating senador Robert Jaworski. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments