Ang mga welgista na karamihan ay mga miyembro ng militanteng grupong Peoples Movement Against Poverty (PMAP) ay binomba ng water cannon dakong alas-3 ng hapon.
Nabatid na galing sa UP Campus ang mga welgista nang harangin sila ng mga anti-riot police na pinamunuan mismo ni NCRPO Chief Ricardo de Leon sa UP Road, Diliman, Quezon City at bombahin ng tubig kung saan marami ang nasaktan at dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga ito.
Samantala, tahasang sinabi kahapon ni Quezon City Vice Mayor Herbert Bautista na walang grupo ang maaaring magrali sa Quezon City Circle kung wala rin lang silang permit.
Sa ginanap na press conference kahapon sinabi ni Bautista na hindi nila papayagan na magsagawa ng rali ang mga taga-KNP sa kabila ng pahayag ng aktor na si Rez Cortez na nakakuha na sila ng permit mula kay dating QC Vice Mayor Charito Planas. Nabatid na sinabi ni Cortez na maaari silang magsagawa ng rali sa circle dahil ito ay isang freedom park.
Subalit ayon kay Bautista, walang lugar sa lungsod ng Quezon ang naideklarang freedom park.
Binanggit pa nito na mahigpit na ipinatutupad ng pamunuan ng National Capital Regional Police office at ng city government ang "no permit, no rally " policy upang maiwasan ang anumang kaguluhan habang isinasagawa ang bilangan sa kongreso.
Ang polisidad ay ipapatupad sa lahat ng grupo, maging ito ay Pro-administration o Pro-FPJ. (Ulat nina Edwin Balasa at Doris Franche)