Nagkabasag-basag ang salamin sa mga bintana sa ika-anim at ika-pitong palapag ng Gercon Plaza Building na matatagpuan sa 7901 Makati Avenue, Brgy. Bel-Air ng lungsod.
Sa inisyal na ulat, M-203 grenade launcher ang ginamit ng mga suspect na naganap dakong alas- 3:10 ng madaling araw kahapon.
Ayon sa ilang saksi, isang kulay puting taxi na walang plaka ang namataan sa intersection ng Paseo de Roxas at Makati Avenue.
Pagtapat ng taxi sa naturang gusali ay doon na pinasabugan ang dating tanggapan ng Petron at saka mabilis na nagsitakas.
Ayon sa pulisya, posible umanong inakala ng mga suspect na ito pa rin ang tanggapan ng Petron Philippines na pinag-oopisinahan na ng Avon Cosmetics Inc.
Posible umanong ang pangha-harash ay may kinalaman sa sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Matatandaan na noon lamang nakaraang buwan pinasabugan din ang Shell Philippines sa Valero St., Salcedo Village sa Makati City.
Kahalintulad din ang estilo sa isinagawang pagpapasabog sa Petron Philippines.
Kasabay nito, mas hinigpitan ng mga awtoridad ang pagbabantay sa loob at labas ng Pandacan Oil Depot matapos ang pagpapasabog sa Makati. (Ulat nina Lordeth Bonilla at Danilo Garcia)