Ayon kay Supt. Popoy Lipana, hepe ng CPD-CIU, sasailalim pa rin sa masusing interogasyon at finger prints examination si Alba, 27 upang malaman kung ito rin ang responsable sa pagpatay sa lima pang miyembro ng third sex simula pa noong nakaraang taon sa lungsod.
Pagkukumparahin ang finger prints na nakuha sa ibang napaslang na bakla at finger prints ni Alba sa crime scene sa Unit 4 Golondrina Villas sa New Manila, Quezon City.
Subalit ayon kay Lipana ang finger prints nito ay nasa pangangalaga ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng CPD.
Sinabi ni Lipana na naniniwala siya na si Alba lamang ang responsable sa pamamaslang kay Formaran at pagnanakaw at tangkang pagsunog ng kuwarto ng biktima.
Itinatanggi lamang umano ni Alba ang panununog at pagsakal kay Formaran dahil natatakot itong maparusahan ng death penalty.
Ipinaliwanag ni Lipana na sa pag-amin ni Alba ng pamamaslang palalabasin ito na self-defense ang insidente kung kayat napatay nito ang showbiz writer. Ito ay maaari lamang patawan ng life imprisonment.
Lumilitaw din sa kanilang pagsisiyasat na dinala ni Alba ang icepick sa kanyang paglabas sa kuwarto ni Formaran upang gamitin kay Rey Santiago, caretaker ng biktima sakaling pumalag ito. (Ulat ni Doris Franche)