Ang 88 kahon na naglalaman ng kontrabando ay dumating sa NAIA buhat sa Jakarta, Kuala Lumpur at Taipei noong Linggo ng gabi.
Pinangunahan ni OMB Chairman Edu Manzano ang pagbubukas ng mga kargamento sa CMEX.
Hiniling din ni Manzano kina BoC-NAIA District Collector Celso Templo at BoC officer-in-charge Dep. Commissioner Alexander Arevalo na ilagay sa alert order ang lahat ng kargamentong nanggagaling sa Indonesia, Malaysia, Singapore at China na karaniwang pinagmumulan ng mga pekeng merchandise dahil sa posibleng ang mga perang nalilikom galing sa mga ito ay ipinang-popondo sa mga terorista.
Sinabi ni Manzano na isang report buhat kay Ronald Noble, Secretary General ng International Police sa Inglatera na ginagamit ng Hisbollah, isang Muslim extemist sa Lebanon ang pondong galing sa pagbebenta ng mga pekeng merchandise para sa kanilang teroristic activities.
Nakasaad sa report ng Interpol na sinalakay ng mga awtoridad ang isang bodega sa Ireland na gumagawa ng pekeng brake pads, brake lining at iba pang gamit pang-sasakyan.
Nakumpirma ng mga awtoridad na pawang miyembro ng Hisbollah ang mga naarestong nagtatrabaho sa loob ng bodega. (Ulat ni Butch Quejada)