Kasama ang kanyang abogado na si Atty. Orly Dizon, dati ring NBI agent at opisyal ng BID, nagtungo sa NBI dakong alas-3 ng hapon si Bebs Reyes.
Ayon kay Reyes, pansamantala siyang hindi muna sumuko at mas pinili sa NBI dahil sa takot na i-torture siya ng mga pulis tulad umano ng ginawa sa dalawa niyang kaibigan.
Humarap sa media sa isang press conference dakong alas-5 ng hapon si Reyes kung saan inulit nito ang pahayag na una niyang isinagawa sa telebisyon. Iginiit nito na wala siyang kaugnayan sa krimen at tanging si Philippe Marcelo ang gumahasa at pumatay kay Castro.
Sinabi nito na nakisama umano si Marcelo sa inuman nilang barkada sa café bar ng Vellagio Tower sa may Quirino Avenue. Nakita umano nila na lumabas ng condominium building si Castro kung saan inihatid nito ang dalawang kaibigang babae. Dito umano siya napansin na masama ang tingin ni Marcelo sa biktima.
Idinagdag pa nito na umalis umano siya sa inuman dahil sa nayabangan siya kay Marcelo. Nabalitaan na lang umano niya kinabukasan ang krimeng nangyari sa Vellagio Tower kung saan natakot siya nang idawit ni Marcelo.
Naniniwala naman si Dizon na inosente ang kanyang kliyente dahil sa resulta ng forensic tests ng NBI at ng pulisya na walang tumugmang fingerprints kay Reyes at puro kay Marcelo lamang ang nakita.
Nasa kustodya ngayon ng NBI si Reyes matapos na opisyal na hawakan na rin nito ang hiwalay na imbestigasyon sa kaso nang hilingin ito ng magulang ni Castro. (Ulat ni Danilo Garcia)