Kabilang sa mga nahaharap sa kasong perjury, robbery, theft at carnapping ay sina Supt. Federico Laciste Jr.; Senior Inspector Pepito Garcia; PO1 Richel Creer; Insp. Joven Trinidad; SPO2 Adolfo de Ramos; PO3s S. Busa; J. Callora; R. Gregorio; PO2s R. Pinili; R. Rodriguez; PO1s R. Creci at A. Nicolas pawang nakatalaga sa CIDG-AIDSOTF at isang Cesar Chua.
Ayon sa salaysay ni Shi Zeng Pang, alyas Stanley Sy, ng 69 White Lily St., Block 15, Lot 4, Victoneta North Subd., Potrero, Malabon City na nilusob ang kanyang bahay ng mga naturang operatiba noong Agosto 16, 2003.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Emmanuel Laurea ng Malabon RTC Branch 169.
Nabatid na nakuhanan si Sy ng 10 tableta ng Diazepam na mas kilala sa tawag na valium na ayon kay Sy ay hindi sa kanya nanggaling at base naman kay Judge Benjamin Antonio (nagdismis ng kaso laban sa Tsinoy) ito ay isang regulated drugs at hindi prohibited drugs.
Bukod sa bahay ni Sy ay nilusob din ng operatiba ang pagawaan ng biktima ng siopao at siomai na sinasabi ng mga ito na shabu lab ngunit wala namang nakuha ang mga ito na kemikal na inihahalo sa shabu.
Sinabi ni Sy sa kanyang sinumpaang salaysay na kinuha ng raiding team ang kanyang Honda Civic at Mitsubishi Delica van, 10 jade pendants, tseke na umaabot sa halagang P600,000 at iba pang mahahalagang papeles at kagamitan.
Binanggit pa nito, na matapos siyang posasan ay nilagyan pa siya ng plastic bag sa mukha dahilan upang mahirapan siyang huminga, bukod pa sa suntok at sipa na kanyang inabot sa mga awtoridad.
Hindi rin umano siya binigyan ng mga awtoridad ng pagkakataon na makatawag sa kanyang pamilya kung kayat lumipas ang ilang araw bago siya natunton ng mga ito.
Matapos namang mapatunayan sa korte na walang basehan ang pagkaaresto kay Sy ay agad na ipinag-utos ni Judge Antonio ang pagpapalaya dito na nakulong ng walong buwan at pitong araw. (Ulat ni Rose Tamayo)