Dumulog kahapon sa Western Police District-General Assignment Section (GAS) si Luisito Reyes, 26, pedicab driver at inireklamo ang may-ari ng Ilagan Funeral Homes na may dalawang sangay sa Batangas St. sa Sta. Cruz at Onyx St. sa San Andres.
Ayon kay Reyes, kulang umano sa buwan nang ipanganak ang kanyang anak na si Baby John Christopher na sanhi ng maaga nitong kamatayan.
Dinala nito ang anak sa Ilagan Funeral Homes sa Sta. Cruz para sa serbisyo nito sa halagang P2,500 dahil sa arkila lamang umano ang gagamiting ataul.
Nang dalhin na nila sa pagbuburulan sa tapat ng kanilang bahay sa may Interior Dagupan Extension sa Tondo, doon niya nadiskubre ang kalunos-lunos na sinapit ng sanggol.
Ayon sa ina na si Lina, binibihisan niya ng damit ang bangkay ng kanyang anak nang mapansin niya ang malalaking kagat ng daga sa hita at binti nito. Bukod dito, may naglabasan ding mga langgam buhat sa ilong at tenga ng bangkay.
Itinanggi naman ng mga opisyales sa punerarya na may kapabayaan silang ginawa dahil sa meron na umano talagang lumalabas na langgam buhat sa bangkay nang dalhin ito sa kanila.
Nakatakda namang humingi ng tulong sa NBI ang mag-asawa upang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng sanggol bago pormal na makasuhan ang naturang punerarya. (Ulat ni Danilo Garcia)