Ang kaso ay may kinalaman sa diumanoy kuwestiyonableng pagbili ng P3.26 milyong bala ng mga baril para sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Parañaque.
Sa isinumiteng motion to quash ng mga abogado ni Marquez, sinabi ng mga itong peke ang pirma ni Marquez sa mga dokumentong may kinalaman sa transaksyon.
Dapat anilang maimbestigahan muna ng mga handwriting experts ang pirma sa mga papeles na ginawang basehan sa pagsasampa ng kaso.
Naunang itinakda ang arraignment kay Marquez noong Mayo 3 pero ipinagpaliban lamang dahil sa posibilidad na magamit ito ng mga kalaban niya sa pulitika noong panahon ng eleksyon at muli na namang ipinagpaliban kahapon.
Base sa natuklasan ng Office of the Ombudsman, pinatungan umano ng halos 40% ni Marquez ang transaksyon sa mga bala para sa miyembro ng PNP. Umabot umano sa P1.32 milyon ang nangyaring over-pricing.
Isa pang kaso ang kinakaharap ni Marquez sa Sandiganbayan Second Division na may kinalaman naman sa transaksyon ng over-priced na walis tingting. Itinakda ang arraignment sa nasabing kaso sa Hunyo 10 at 11. (Ulat ni Malou Rongalerios)