Base sa 13-pahinang per curiam decision ng SC, tuluyan nang tinanggal sa serbisyo si Judge Jose Caoibes Jr. ng Las Piñas Regional Trial Court (RTC) matapos na muli itong masangkot sa panibagong asunto.
Nabatid na nauna nang pinagmulta ng P20,000 ng SC si Caoibes matapos nitong suntukin si Judge Florentino Alumbres dahil lamang sa pag-aagawan sa isang lamesa.
Subalit muling nasangkot sa panibagong kaso si Caoibes matapos na ipatawag nito at pagpaliwanagin si MMDA traffic enforcer Salvador Sison tungkol sa pag-iisyu nito ng TVR sa kanyang anak noong Sept. 8, 1999.
Nang mabigo si Sison na maghain ng paliwanag ay inatasan ni Caoibes si Sheriff Teodoro Alvarez na arestuhin ang nabanggit na traffic enforcer sa kasong indirect contempt sa kabila ng kawalan ng arrest warrant.
Bunga nito, inireklamo ni Sison ang hukom at si Alvarez sa SC subalit dinismis ang kaso laban sa sheriff dahil sa kawalan ng merito subalit inirekomenda ni investigating Justice Lucas Bersamin ng Court of Appeals ang pagpaparusa ng SC kay Caoibes.
Nagpasya ang SC na bigatan pa ang parusa kay Caoibes dahil na rin sa nagdaan pang kaso nito at iginiit pa ng Mataas na Hukuman na hindi na dapat pang pinakialaman ng hukom ang kaso ng kanyang anak dahil maituturing na itong isang personal na usapin. (Ulat ni Gemma Amargo)