Nasakote ng mga ahente sa loob ng bahay ng kanyang kaibigan sa Calachuchi St., Tanza, Navotas ang suspect na nakilalang si Nancy Panes.
Nabatid sa ulat na bagong pasok pa lamang na katulong si Panes sa bahay ng biktimang si Or Dyok Tuan sa Unit 501, Howard Tower, 6th Avenue ng Caloocan City.
Noong Abril 15, nagtungo ang anak ng biktima na si Helen at asawa nito na si Lito Natividad sa bahay upang dalawin ang matanda. Pinagbuksan pa sila ni Panes at pinapasok at sinabing naliligo lamang ang biktima sa kuwarto.
Ilang sandali pa ay nagpaalam ito na may kukuning mga damit sa katabing kuwarto pero hindi na bumalik.
Nagtaka si Helen kung bakit natagalang bumalik ang katulong maging ang kanyang ina ay hindi rin lumalabas ng kuwarto kung kaya napilitan itong pasukin ang matanda sa silid.
Doon lamang nadiskubre na patay na ang biktima na binigti ng electrical cord.
Nauna nang naaresto ang suspect noong Mayo 1 kung saan inamin nito ang pagpaslang sa biktima at sinabing isinangla niya ang mga tinangay niyang alahas sa matanda. Narekober naman ito ng mga awtoridad sa bahay sanglaan.
Mayo 4, pinakawalan ng Department of Justice ang suspect dahil sa kawalan ng warrant of arrest. Agad namang nagsampa ng kasong robbery with homicide ang NBI kung saan nakakuha ng warrant.
Tuluyang naaresto ang suspect nang dumalaw ito sa isang kaibigan sa Navotas. (Ulat ni Danilo Garcia)