Babe Reyes nagpa-interview sa TV,pero hindi pa sumuko

Sa halip na sumuko nagpa-interview lamang sa telebisyon ang pangunahing suspect sa Candice Castro rape-slay na si Babes Reyes kung saan itinanggi ang krimen at sinabing susuko lamang siya sa tamang oras at panahon.

Sa isang panayam sa telebisyon, binalikan ni Reyes ang nauna nang nadakip na suspect na si Philippe Marcelo na umano’y siyang gumahasa at pumaslang sa biktimang si Castro, bank teller, noong Mayo 12. Hindi rin umano siya kasama nang isagawa ang krimen.

Isinalaysay nito na bagong kilala lamang niya si Marcelo na nakihalo lamang sa inuman nila ng kanyang mga kaibigan na sina Raymond Ruiz, Jonas Santiago at Jobener Maquilang sa café bar ng Vellagio Tower.

Ipinagyabang pa umano ni Marcelo na lahat ng kanyang nakukursunadahang babae, maging sa gusali ay kanyang nakukuha.

Itinanggi rin niya na siya ang nagyaya kay Marcelo na pumunta sa kuwarto ni Castro. Sa katunayan umano, unang umalis sa inuman si Ruiz at sumunod na siya. Pinipigilan pa umano siya ni Marcelo na kanyang tinanggihan, sanhi upang magbanta ito.

Pinatibay naman ang salaysay na ito ni Reyes nina Santiago at Maquilang. Ipinakita pa ni Reyes ang kanyang katawan na walang anumang bakas ng kalmot ng babae at ang kanyang damit na suot nang maganap ang krimen.

Ayon pa rito, grabeng hirap umano ang kanyang nararanasan ngayon dahil sa pinalabas ni Marcelo sa publiko na isa siyang halimaw dahil sa karumal-dumal na pagpaslang kay Castro.

Sa kabila nito, hindi pa rin sumusuko si Reyes sa kabila na may manhunt operation na sa kanya ang pulisya. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments