Itoy matapos na ipag-utos ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Ricardo De Leon sa limang police district director at station commanders ang pagtatalaga ng mga pulis sa mga paaralan kaugnay ng bayaran ng tuition fee sa pasukan.
Sinabi ni WPD Director, Chief, Supt. Pedro Bulaong na magpapakalat ng police foot patrol sa bisinidad ng mga unibersidad buhat sa mga Police Community Precinct (PCP), magtatayo ng mga police help desk sa mga piling lugar, regular na lilibot ang mga kagawad ng Police Mobile Unit at maglalagay rin ng mga civilian police buhat sa WPD-Sekreta.
Inaasahan ng WPD ang muling pagkalat ng mga kriminal sa kalye tulad ng mga holdaper, mandurukot at mga snatcher na mananamantala sa mga estudyante partikular na ang mga baguhan na galing sa mga probinsiya na magbabayad ng kanilang tuition fee.
Binabantayan rin naman ng pulisya ang mga malalaking Chinese schools at iba pang eksklusibong paaralan para sa elementarya at high school dahil sa posibleng minamanmanan ang mga mayayamang estudyante ng mga sindikato tulad ng mga kidnap for ransom.
Kasabay nito, nanawagan si Bulaong sa Philippine National Police (PNP) na bigyan sila ng matataas na kalibre ng baril upang mas epektibong malabanan ang mga sindikato na lamang sa pulis sa gamit na mga armas.
Ipinaliwanag ni Bulaong na nasawi ang dalawa niyang pulis noong Mayo 13 sa pakikipagbarilan sa sindikato ng mga holdaper dahil sa walang laban ang kanilang baril sa mga armas ng mga suspect. (Ulat ni Danilo Garcia)