Printing press na nag-iimprenta ng pekeng pera sinalakay

Lima katao na miyembro ng sindikatong gumagawa ng mga pekeng P500 bills ang inaresto ng mga operatiba ng Western Police District (WPD) Station 3, kamakalawa ng hapon sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ni Supt. Romulo Sapitula, hepe ng WPD Station 3 ang mga nadakip na sina Richard Tan, alyas Richard Dam, 32; Joseph Victa, 30; Jezriel Dadivas, 31; Isidro Ejercito, 40; at Rey Basco, 25.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-5:30 ng hapon ng salakayin ng grupo ni Sapitula ang Inter Fedd Printing Press na matatagpuan sa 2117 Severino Reyes St. na pag-aari ni Edward Tan.

Ayon kay Sapitula isinagawa ang pagsalakay bunsod sa reklamo ng isang negosyante na mayroong isang lalaki na nagbayad sa kanya ng pekeng P500 bill. Kaagad na inaresto ang suspect na nakilala sa alyas na Kulot na siya namang nagbigay ng impormasyon na kinuha niya ang pekeng pera sa isang alyas Tandem na empleyado sa nasabing printing press.

Mabilis ding nagsagawa ng operasyon ang pulisya kaya’t nakapasok sila sa printing press at nakumpiska ang isang set ng computer, printer, scanner, silkscreen materials, ink, na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng pera at 64 piraso ng hindi na nagugupit na pekeng P500 bills.

Bukod dito, nakarekober din ang pulisya ng hindi pa matayang dami ng shabu at mga drug paraphernalias kina Tan at Victa.

Kasalukuyang nakapiit ang mga suspect habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa mga ito.

Sinasabing ang mga nadakip ang siyang nagpapakalat ng mga pekeng pera sa Metro Manila at karatig lalawigan. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments