Naglayas na binatilyo, napatay

Matapos ang ginawang paglalayas, nasawi ang isang 14-anyos na binatilyo nang ratratin ng armalite ng isang hindi nakikilalang suspect ang warehouse na tinutulugan nito, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo si Arvin Torres.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Barangay Bagumbong ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na biglang sumulpot ang hindi nakikilalang suspect at walang habas na pinaulanan ng bala ng baril ang warehouse.

Minalas naman na doon natutulog ang biktima na sinasabing naglayas sa kanyang pamilya.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakas ang suspect at nang tunguhin ang warehouse ay doon natuklasang nakahandusay at patay na ang biktima. (Rose Tamayo)

Show comments