Nakilala ang mga sugatan na sina Natividad Majuca, 56; Marites Calimlim, 28; Jose Abellana, 47 at ang magkasintahang sina Jenny Rose Garcia at Albert Bateriano.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng gabi habang binabagtas ng Victory Liner na may plate no. CWB-724 ang North Diversion Road. Galing ang bus sa Olongapo patungong Pasay City.
Bigla umanong nagdeklara ng holdap ang mga hindi pa nakikilalang suspect na kinabibilangan ng isang babae at apat na lalaki.
Pinababa ng isa sa mga holdaper ang kurtina ng bus at pinapatay ang ilaw nito at saka sinimulang kunin ng babaeng holdaper ang ang mahahalagang gamit ng mga pasahero. Maging ang mga sapatos ng mga pasaherong babae ay hindi nito pinatawad.
Lingid sa kaalaman ng holdaper, isang pasahero ang nakapag-text sa pulisya at inireport ang nagaganap na panghoholdap sa bus hanggang sa makuha din ng mga holdaper ang cellphone nito.
Mabilis na naialarma ang insidente hanggang sa pagdating ng bus sa checkpoint sa may Camachile area sa Quezon City ay hindi ito huminto, dahilan upang magkaroon ng paghahabulan sa pagitan ng mga holdaper at mga pulis.
Nakipagpalitan ng putok sa pulisya ang mga holdaper at pagdating sa panulukan ng A. Bonifacio Avenue at 7th Avenue sa Caloocan City ay binaril ng mga suspect ang gulong ng bus at saka dito nagkanya-kanya ng takbo at pagtakas.
Dahil sa komosyon at pagbabarilan, tinamaan ang limang mga pasahero sa bus.
Patuloy ang isinasagawang manhunt operation laban sa mga nakapugang suspect. (Doris Franche)