Si Mohammad Hassan, nasa hustong gulang, pansamantalang naninirahan sa Quezon City ay inatake sa puso habang nagpapahinga sa bahay ng kapatid nito at hindi na umabot ng buhay sa University of Sto. Tomas (UST) Hospital.
Napag-alaman na si Hassan ay nagmula sa bayan ng Masbate bilang election officer bago ito inilipat sa Valenzuela City noong Mayo 11, 2004 bago magsimula ang canvassing sa lungsod.
Ayon pa sa mga staff ni Hassan, dakong alas-9:45 kamakalawa ng gabi ay maayos pang naiproklama ni Hassan ang mga nagwaging congressman na sina incumbent mayor Emmanuel "Bobbit" Carlos laban kina Rex Gatchalian at Romeo Bularan ng unang distrito habang si Antonio Serapio naman ang nanalo sa ikalawang distrito kina Sonny Tiquia at Pablo Lucas.
Nagkaroon naman ng problema sa pagpoproklama sa nanalong alkalde ng lungsod matapos na magsampa ng petisyon si Laban ng Demokratikong Pilipino (LDP) mayoralty bet Magtanggol "Maggi" Gunigundo ng petisyon laban kay Hassan dahil umano sa mga depektibong election returns. (Ulat ni Rose Tamayo)