Ang mga OFWs ay pawang empleyado ng Prime Projects International na nagtatrabaho sa loob ng Camp Anaconda sa Balad, Iraq ay dumating sa NAIA pasado alas-10 ng gabi noong Lunes sakay ng Kuwait Airways mula sa Jeddah.
Sinabi ng mga trabahador na nagpasya silang bumalik na lamang sa Pilipinas kahit malaki ang kanilang suweldo dahil sa takot na madamay sa patuloy na pag-atake ng mga rebeldeng Iraqi sa kampo ng tropang Amerikano.
Nabatid pa na bago makauwi sa Pilipinas ang mga OFWs ay kinaltasan pa ang kanilang suweldo ng US$500 bilang processing fee.
Mahigit pa sa 90 OFWs ang kasalukuyang pinoproseso ang mga papeles at nakatakda na ring bumalik sa bansa dahil sa mainit na sitwasyon doon.
Samantala, kung naging masaya ang muling pagkikita ng mga umuwing OFWs at ng kanilang mga pamilya, matinding kalungkutan at dalamhati naman ang bumalot kay Visitacion Reyes, asawa ni Rodrigo Reyes ang kauna-unahang OFW na namatay sa Iraq dahil sa giyera.
Dumating din noong Lunes ng gabi ang mga labi ni Reyes na nakalagay sa selyadong kahon.
Sinabi ni Mrs. Reyes na mahirap tanggapin ang pagkamatay ng kanyang asawa dahil wala namang itong kinalaman sa sigalot sa pagitan ng tropa ng Amerikano at Iraq.
Ang kanyang labi ay dinala sa kanyang hometown sa Tanay, Rizal.
Si Reyes ay isang truck driver na nasawi noong Abril 28 kasama ang walong sundalong Amerikano nang makasagasa ng land mine ang truck na minamaneho nito. (Ulat ni Butch Quejada)