Kasabay nito, umaabot sa P2.5 milyon ang sunog na tumupok sa may 50 kabahayan sa Area 1 Santolan St. sa panulukan ng Ortigas Avenue, Barangay Valencia, Quezon City.
Nakilala ang mag-aamang dinakip na sina Carlito, 73; Carlito III, 40; at Noniber Nazareto, 34. Ang mga ito ay inaresto makaraang ituro ng kanilang mga kapitbahay na responsable sa naganap na sunog.
Pinagtulungang bugbugin ito ng mga taumbayan na nawalan ng bahay dahil sa sunog.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni SFO1 Danilo Dugay na nagsimula ang sunog dakong ala-1:09 ng madaling-araw sa bahay mismo ng mga mag-aamang Nazareto.
Idineklarang fireout ang sunog matapos ang halos limang oras.
Nauna rito, narinig daw ng mga kapitbahay ang pag-aaway ng mag-aama at kasunod na nito ang biglang pagsiklab ng apoy na mabilis na kumalat sa katabing mga bahay.
Ayon kay Dugay, si Carlito III ay may dati nang kaso ng arson at dinala na rin umano sa mental hospital subalit agad ding pinalabas.
Sinabi naman ng ilang saksi na madalas umanong ginagawa ng mag-aama ang panununog subalit agad ding naaapula.
Gayunman, sinisiyasat pa rin ng mga awtoridad ang motibo ng umanoy panununog ng mag-aama. (Ulat ni Doris Franche)