Sekyu hindi pinag-duty namaril; 1 patay, 1 grabe

Pinagbabaril ng isang security guard ang dalawa niyang kasamahan na ikinasawi ng isa matapos siyang hindi pagdyutihin at laitin ng isa sa mga ito, kahapon ng umaga sa Makati City.

Namatay noon din sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang biktimang si Richie Naro, ng Alert Security Agency sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.

Nasa kritikal namang kondisyon ang isa pang biktima na si Christopher Villan, 23, na nagtamo rin ng tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, nadakip naman ng pulisya ang suspect na nakilalang si Mark Lester Mari, 20, ng Tambo Drive, Parañaque City.

Base sa imbestigasyon ng pulisya naganap ang insidente dakong alas-5:45 kahapon ng umaga sa parking lot ng South Star Plaza na matatagpuan sa panulukan ng South Super Highway at Estrella St. sa Brgy. Bangkal sa Makati City.

Nabatid na pawang mga guwardiya ang mga biktima at suspect na nakatalaga sa parking lot ng isang condominium sa lugar.

Napag-alaman na reliever lamang ang suspect na si Mari na ang gusto ay bigyan siya ng maraming duty para malaki ang kanyang kitain.

Naglasing ang suspect at kinompronta si Villan para sa kanyang kahilingan na makapag-duty.

Hindi umano pumayag si Villan at sa halip ay nilait nito ang suspect.

Sa matinding galit pumunta ito sa likurang bahagi ni Villan at inagaw ang dala nitong service firearm at saka ibinaril sa biktima. Kasalukuyan naman noong nagbibihis si Naro na walang alam sa mga nangyari nang pagbabarilin doon ng suspect sa ulo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments