Dinukot na anak ng trader: kidnap me

Isang kaso ng kidnap me ang naganap na pagdukot sa teenager na anak na babae ng isang mayamang negosyante at katulong na kaibigan nito sa Las Piñas City, kamakailan.

Ito ang nabatid kahapon, matapos ang isinagawang entrapment operations ng PNP-CIDG na nagresulta sa pagkakaligtas sa nagpanggap na biktima ng kidnap-for-ransom na si Nur Alimpang, 16, at katulong na si Bernadette Famat, 15, tubong-Lanao del Sur.

Ayon sa ulat na tinanggap ni PNP-CIDG chief P/Chief Supt. Arturo Lomibao, lumilitaw na kasabwat nina Alimpang ang mga naarestong kabataang kidnaper na mga barkada ng mga ito na sina Jessie Villarosa, 17, at Eric de Guzman, 16.

Nabatid na ang dalawang biktima ay nawala umano noong Mayo 8 dakong ala-1 ng hapon sa parking lot ng SM Southmall sa Almanza, Las Piñas City.

Si Alimpang, ng Cotabato City ay isang bakasyunista sa Maynila at nanunuluyan sa Doña Consolacion Apartell sa Talon 1, Las Piñas City.

Sinabi ni Lomibao na nakatanggap umano ng tawag sa telepono mula sa mga magulang ni Alimpang si SPO4 Wahab Fagundacan ng Las Piñas Police Station 8 hinggil sa nangyaring pagdukot sa kanilang anak at kaibigan nitong si Famat kung saan ay humihingi umano ang mga kidnaper ng P800,000 ransom kapalit ng kalayaan ng dalawang biktima.

Agad namang nakipag-ugnayan sa National Anti-Kidnapping Task Force (NAKTAF) at PNP-CIDG sa Camp Crame Police Station 8 ng lungsod ng Las Piñas at isinagawa ang entrapment operations kamakalawa.

Dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang mahuli sa akto si Villarosa habang tinatanggap ang marked money sa Casimiro Commercial Center sa Aguilar Avenue, Alabang, Zapote Road ng naturang lungsod.

Itinuro naman ni Villarosa ang kinaroroonan ng nasabing mga biktima na nagresulta sa pagkakahuli sa kasamahan nitong si de Guzman at pagkakaligtas sa dalawa.

Gayunman, nang i-inquest ang kaso sa Prosecutor ng Las Piñas City ay inamin ng mga biktima at mga suspect na nagkatuwaan lamang umano sila para magkapera. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments