Ang hakbang ay ginawa ni AFP PIO Chief Col. Daniel Lucero bilang tugon sa manipestong inilabas ng mga nabanggit na heneral na nagsabing ang mga sundalo at pulis ay umanoy nagpapaimpluwensiya sa eleksyon.
Isa lamang anyang political gimmick ang alegasyong ito at walang basehan.
Pinayuhan ni Lucero ang mga retired general na manahimik na lamang ang mga ito at tumulong na lamang upang makamit ang mapayapa at matahimik na halalan sa Lunes.
Samantala, mariing kinondena ng pamunuan ng Philippine National Police ang mga bintang na sila ay kabahagi umano ng grand design para imanipula ang resulta ng halalan sa Mayo 10. Sinabi ni PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane, imposible at walang basehan ang naturang paratang dahil wala namang kinalaman ang pulisya sa bilangan ng balota sa eleksyon.
Neutral at non-partisan anya ang PNP at tanging papel lamang nito sa eleksyon ay tiyaking matahimik at maayos ang halalan.
Tiniyak din ni Ebdane na kakastiguhin ang sinumang gagamit ng karahasan para lamang sa pansariling interes. (Ulat ni Angie dela Cruz)