Sa ginanap na press briefing sa Phil. Army Headquarters sa Fort Bonifacio sa Makati City iniharap ng mga opisyal ng militar ang mga nasakoteng NPA rebels.
Kinilala ni 2nd Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Eduardo Cabuay ang nasakoteng communist terrorist leader na si Rogelio Villanueva, alyas Eduardo Serrano/ Bucag at Macling, isang opisyal ng Executive Committee ng NPA Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) na aktibong kumikilos sa lalawigan ng Oriental Mindoro.
Bukod kay Villanueva, nadakip din ang mga tauhan nito na sina Joy Mendoza, alyas Ka Luisa at Rizza Mesana, alyas Rizza.
Sinabi ni Cabuay na ang nasabing mga rebelde ay nadakip dakong alas-10 ng umaga nitong linggo sa kahabaan ng Balintawak highway, Lipa City, Batangas.
Ayon pa sa ulat, nadakip ang mga rebelde matapos ang ilang minutong habulan kung saan ang mga ito, ayon pa sa opisyal ay patungo umano sa Oriental Mindoro ng kanilang masabat.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang mga subersibong dokumento, CDs, permit to campaign forms, dalawang bandila ng komunistang grupo, isang laptop at tatlong hand guns.
Kasalukuyan nang sumasailalim sa masusing interrogation ng militar ang mga nasakoteng rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)