Sa ulat ng pulisya, nakilala ang nasawi na si Julieta Gonzales, 30, vendor, habang nasa kritikal na kondisyon ang kanyang mister na si Edgar, 38, at anak na si Gabriel, 17.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang suspect na si Gaspar dela Cruz, 22, driver ng Hino 10-wheeler container van.
Naganap ang trahedya dakong alas-4:20 ng madaling araw sa tapat ng New Commonwealth Market sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Napag-alaman na pa-U-turn ang mga biktima nang biglang sumulpot ang container van at sinalpok ang motorsiklong kinalululanan ng mag-anak.
Hiwa-hiwalay na tumilapon ang mga biktima kung saan agad na nasawi si Julieta.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa driver ng truck. (Ulat ni Doris Franche)