Samantala, sa loob ng isang linggo ay ipalalabas ng PNP-Crime Laboratory ang resulta ng drug test kay Martinez.
Ayon kay AID-SOTF chief Deputy Director Gen. Edgar Aglipay kahit kailan ay hindi nakasama si Martinez sa kanilang mga operasyon.
Magugunitang noong nakalipas na Biyernes ay nasabat ang aktor sa domestic terminal sa Pasay City kung saan pasakay na ito sa eroplano patungong Dipolog City. Nakuha dito ang isang glass tooter na positibo sa shabu residue.
Itinanggi naman ng aktor na sa kanya ang tooter at sinabing bahagi ito ng ebidensiya na nakuha sa isang raid ng AID-SOTF team na pinamumunuan ni Supt. Blackjack Aguilar. Nakalimutan lamang umano niyang ibalik ang ebidensiya.
Pansamantala namang nakalaya si Martinez makaraang makapaglagak ng P40,000 piyansa sa Pasay City Prosecutors Office.
Hindi naman itinanggi ni Aguilar na si Martinez ay naging isa niyang asset nang siya ay nakatalaga pa sa Regional Intelligence and Special Operations Office ng National Capital Regional Police Office ilang taon na ang nakakaraan.
Subalit hindi na umano niya muling kinontak si Martinez nang mapunta siya sa AID-SOTF.
Ayon pa kay Aglipay, sakaling magpositibo sa drug test si Martinez ay kaagad nilang irerekomenda na isailalim ito sa rehabilitasyon.
Nabatid na nakatakdang magtungo ang mag-asawa sa Dakak Beach Resort sa Zamboanga del Norte sa shooting ng isang pelikula ng aktor nang mainspeksyon sa airport at nakuhanan nga ng glass tooter na positibo sa shabu residue. (Ulat nina Edwin Balasa at Joy Cantos)