Acting mayor ng Malabon kinasuhan sa Ombudsman

Sinampahan ng kasong kriminal at administratibo sa tanggapan ng Ombudsman ng isang 32 anyos na negosyante si Malabon City Acting Mayor Mark Allan "Jayjay" Yambao bunga ng paglabag sa Commission on Election (COMELEC) Omnibus Election Code, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Illegal Use of Public Funds at Property.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Oliver Suarez ng Blk. 3, Plaza Area, Letre Road, Brgy. Tonsuya, Malabon City noong Marso 25, 2004, inirereklamo nito si Yambao hinggil sa iligal na paggamit nito ng mga sasakyang pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Malabon para sa kanyang pangangampanya bilang alkalde sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Suarez, sinamantala umano ni Yambao ang malawakang welga noong Marso 1, 2004 upang ipagamit ang sasakyan ng libre ng may halong pangangampanya.

Nakasabit umano sa mga nasabing sasakyan ang poster ni Yambao na lumalabag din sa sukat na ipinatutupad ng COMELEC.

Inakusahan din ni Suarez si Yambao na ginagamit nito ang pahayagang Diretso na inilalathala ng Malabon Public Information Office para sa kanyang pangangampanya kung saan nakasaad dito ang kanyang plataporma at ito mismo ang nagpapamigay sa mga residente. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments