Batay sa liham nina Fr. Joaquin Bernas, Dean ng College of Law ng Ateneo de Manila University at Fr. Romeo J. Intengan, Provincial ng Philippine Province Society of Jesus kay Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr., hiniling ng dalawang pari na resolbahin na ng SC ang kasong administratibo laban kay Judge Florentino Floro ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 73.
Binigyang-diin ni Fr. Intengan na matagal na ang paghihirap ng nasabing hukom at umaasa na lamang umano ito sa tulong at suporta ng kanyang mga kapatid simula nang isailalim ito sa preventive suspension ng Mataas na Hukuman noong July 20, 1999.
Naniniwala ang mga ito na bibigyan ng pansin ng Mataas na Hukuman at reresolbahin na rin ang kasong administratibo ng nasabing hukom sa lalong madaling panahon sa kabila ng kanilang mga nakatambak na mga trabaho.
Iginiit din ni Fr. Bernas at Intengan na bigyan pa ng pagkakataon ng Mataas na Hukuman si Judge Floro na muling patunayan nito ang kanyang kakayahan na makapaglingkod sa publiko bilang hukom.
Sumulat ang dalawang pari sa Mataas na Hukuman makaraang magtungo sa tanggapan ni Fr. Intengan ang kaibigan at kaklase nitong si Judge Floro at dumaing ang paghihirap na kanyang nararanasan. Pumabor naman si Fr. Bernas sa liham ni Fr. Intengan sa kahilingan sa Mataas na Hukuman para sa isang compassionate at just resolution ng kaso ni Floro.
Magugunita na si Floro ay sinuspinde ng Mataas na Hukuman, base na rin sa imbestigasyong isinagawa ni dating Court Administrator at ngayon ay Solicitor General Alfredo Benipayo kung saan ay lumitaw na hindi umano epektibo sa kanyang tungkulin si Floro at tila hindi umano normal ang mga kilos nito. Natuklasan na si Floro ay nagsasagawa muna ng ritwal bago simulan ang pagdinig sa kanyang sala at tinukoy umano ang mga ito na mga dwende. (Ulat ni Grace dela Cruz)