Nakagapos ang magkabilang kamay at paa nang matagpuan sa loob ng kuwarto ang biktimang si Giok Tuan Cua, biyuda ng 1501 Howard Tower, M.H. del Pilar corner 6th Avenue ng nabanggit na lungsod. Malaki ang hinalang sinakal ang matanda na naging dahilan ng kanyang kamatayan.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na nakilala sa pangalang Ella Singson, katulong ng biktima na mabilis na tumakas bago pa matuklasan ang isinagawang krimen.
Ayon sa pulisya, dakong alas-11 kamakalawa ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kuwarto nito ng kanyang anak na si Helen Natividad at apong si Lino.
Napag-alaman na dumating ang mag-ina sa bahay ng matanda para dalawin ang huli. Sinalubong umano sila ng suspect na si Singson at sinabing naliligo umano si Cua kung kayat ang dalawa ay naupo sa sopa at hinintay na matapos sa paliligo ang biktima.
Agad namang nagpaalam ang suspect at sinabing may kukunin lamang damit sa kabilang kuwarto subalit makalipas ang ilang oras ay hindi pa rin bumabalik ang suspect kayat napilitan naman ang mag-ina na katukin na sa kuwarto ang matanda ngunit hindi ito sumagot o nagbukas ng silid.
Dahil dito, naghinala ang mag-ina na may nangyari sa matanda kaya sapilitan nilang pinabuksan sa building administrator ang kuwarto at dito tumambad nga ang animoy baboy na nakatali ang magkabilang kamay at paa ni Cua at may bakas pa ng sakal sa leeg.
Tinangka pang isugod sa pagamutan ang matanda subalit patay na ito nang idating.
Nabatid pa sa anak ng nasawi na noon lamang Abril 13, 2004 nila tinanggap ang suspect para maging katulong ng matanda.
Malaki ang paniwala ng pulisya na ito na ang modus operandi ng suspect ang mamasukan at saka pagnanakawan ang kanyang amo na kanya pang pinapatay. (Ulat ni Rose Tamayo)