Ayon kay Acting Justice Secretary Merceditas Gutierrez, pahihintulutan nila ang plano ng FBI na makuhanan ng kanyang salaysay si Kosovo kaugnay sa kasong kriminal na kinakaharap nito sa Amerika.
Ipinaliwanag ni Gutierez na dahil si Manatad ang pangunahing akusado sa mga kasong kriminal sa US District Court of Columbia, bahagi ng isinasagawang imbestigasyon ng FBI ang pagkuha sa testimonya nito.
Si Manatad ay nahaharap sa kasong kidnapping sa Pasig City Regional Trial Court sa sala ni Judge Lorelei Pahimna bunga ng pagkakasangkot nito sa pagdukot sa mga turista sa Dos Palmas resort sa Palawan habang dawit naman ito sa kasong conspiracy to commit hostage-taking at murder sa Amerika dahil sa pagkidnap at pagpatay sa Amerikanong si Guillermo Sobero.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi na kailangan pang hingin ang pag-apruba ng korte sa gagawing panayam ng FBI kay Manatad dahil ang naturang hakbang ay saklaw ng Mutual Legal Assistance Treaty (MLAT) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
Wala pa naman umanong anumang request for extradition ang pamahalaan ng Amerika para kay Manatad at kung hilingin man ito ay malabo ring mapagbigyan dahil may mga nakabimbin ding kaso si Manatad sa bansa. (Ulat ni Grace dela Cruz)