Ayon kay CPD director Chief Supt. Napoleon Castro, nakuha sa mga suspect ang halagang P1, 231,960 kung saan sinabi pa ng mga ito na sila ay mga fall guy.
Lumitaw na unang naaresto ang mag-asawang Lilibeth at Manuel Pasco at Nelson Espina sa kanilang hide-out sa Barangay Cruz na Ligas sa nasabing lungsod.
Iniharap din kay Mayor Feliciano Belmonte ang mga suspect matapos na ito ay positibong kilalanin ng mga saksi na ngayoy nasa kustodiya ng pulisya.
Ayon sa mga ito, sinamahan umano ng dalawang security guard ang mga suspect papasok sa bangko.
Kasunod namang nadakip ang mga security guard mismo ng bangko na sina Roberto Perez at Armando Arano matapos na mag-report ang mga ito sa kanilang ahensiya sa Metro Guard Security Agency. Hindi nila alam na mayroon ng nakahandang warrant of arrest laban sa kanila.
Nadiskubre lamang ang pagnanakaw nang mag-overtime ang ilang empleyado ng bangko at nakita nilang sira ang vault ng bangko.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya pinasok ng mga suspect ang bangko sa pamamagitan nang pagdaan sa likurang bintana ng bangko. Subalit sa isinagawang follow-up operation walang anumang bakas ng pagpasok sa bintana ang makikita.
Lumilitaw na mismong sa harap na pinto dumaan ang mga suspect at nilagare ang pinto upang palitawin naman na sa likod sila nanggaling. Dahil dito, tumibay ang paniwala ng pulisya na inside job ang pangyayari.
Umaabot sa P776,000 ang narekober ng pulisya sa mga nadakip na suspect. (Ulat ni Doris Franche)