Ayon kay Ma. Victoria Isidro, Officer in Charge (OIC) Clerk of Court ng RTC Branch 29 na hindi pa rin umaamin sa kanyang pagkakasala si Yunos sa ginanap na arraignment kahapon kung kayat tuloy-tuloy na ang gagawing paglilitis sa kanya sa kasong multiple attempted, frustrated at consumated murder laban dito.
Magugunita na nauna ng umamin si Yunos sa naturang krimen kasama ang napaslang na si Indonesian terrorist Fathur Rohman Algozi na siyang utak sa nasabing LRT bombing.
Dahil na rin sa muling pagtanggi ni Yunos na aminin ang kanyang pagkakasala ay itinakda ni Judge Cielito Grulla ng Branch 29 ang pormal na paglilitis kay Yunos sa Hunyo 14, 2004.
Sinunod naman ni Judge Grulla ang nakasaad sa rules of criminal procedure na kung ang isang akusado ay hindi aaminin o tatanggi sa kanyang pagkakasala sa isang partikular na krimen ay awtomatikong "not guilty plea" ang ipapasok sa arraignment nito.
Samantala, hiniling naman ni Department of Justice (DOJ) State Prosecutor Peter Ong sa RTC na tuluyan ng alisin sa Camp Crame si Yunos at ilipat na ito sa kulungan sa Bicutan, Taguig kung saan kasama pa nito ang iba pang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group. (Ulat ni Gemma Amargo/Grace dela Cruz)