Sinabi ni NCRPO chief, Director Ricardo de Leon na wala pa ring kautusan para ibaba ang red alert at patuloy na nagbabantay pa rin ang buong pulisya sa Metro Manila dahil sa patuloy na pamamahagi umano ng mga miyembro ng Abu Sayyaf.
May 10 pa umano miyembro ng bandidong grupo ang nasa Kamaynilaan at karatig na probinsiya na determinado pa ring maghasik ng kaguluhan.
Kaugnay nito, mas pinatindi ngayon ang seguridad sa Metro Manila Rehabilitation Center sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig kung saan nakadetine sina Ghalib Andang alyas Kumander Robot at si Kumander Global.
Itoy matapos ang pinakabagong jailbreak sa Basilan Provincial Jail kung saan pumuga ang higit 30 preso na kinabibilangan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf sa pamumuno ni Kumander Black.
Ayon kay de Leon, hindi nila hahayaan na mangyari ito sa Metro Manila at sasawatain ang unang target ng splinter group ng Abu Sayyaf na pakawalan ang kanilang mga kasamahang nakapiit sa Camp Bagong Diwa.
Patuloy pa rin ang mahigpit na pagbabantay sa mga pangunahing establisimiyento tulad ng Pandacan oil depot, US Embassy, mga pier sa Maynila, Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City at mga malls.
Maaari pa umanong magtagal ang red alert status hanggat hindi nadadakip ang natitirang bandido sa Metro Manila. (Ulat ni Danilo Garcia)