Holdaper dedo sa gulpi ng taumbayan

Isang holdaper ang namatay matapos itong pinagtulungang gulpihin at saksakin ng taumbayan habang nasa kritikal na kalagayan ang taxi driver na hinoldap ng una sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Anng holdaper na napatay ay kasalukuyan bibeberipika pa ang pagkikilanlan na may taas na 5’6’’, nasa pagitan ng edad 30 hanggang 35-anyos. Nagtamo ito ng maraming pasa sa iba't ibang bahagi ng katawan at saksak ng patalim habang ang kasama nitong lalaki ay kasalukuyan pa ring pinaghahanap.

Inoobserbahan naman sa Tondo Medical Center ang biktimang si Victoriano Quiampan, 48, taxi driver, at residente ng #220 Int. 40, H. Lopez Blvd., Balut, Tondo, Manila.

Base sa imbestigasyon ni PO2 Alberto Eustaquio, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi sa panulukan ng 4th Avenue at 2nd St., East Grace Park, Caloocan City.

Ayon sa ulat, sumakay ang dalawang suspek sa minamanehong taxi ng biktima (PXD-918) sa R. Papa at nagpapahatid sa Luneta ngunit hindi pa man nakakalayo ang mga ito ay pinabalik ng mga holdaper si Quiampan sa Caloocan dahil nalimutan umano ng mga ito ang address ng kanilang pupuntahang kamag-anak.

Pagsapit ng mga ito sa Grace Park ay agad na nagdeklara ng holdap ang dalawang suspek at sa pagkakataong ito ay nagsisigaw ang biktima dahilan upang saksakin ito ng dalawang holdaper.

Matapos ito, nagmamadaling lumabas ng sasakyan ang dalawang holdaper ngunit nakita ang mga ito ng taumbayan na nakarinig sa paghingi ng saklolo ni Quiampan na pinagtulungang bugbugin ang mga suspek.

Nakatakas ang isa sa mga holdaper habang nasawi mismo sa pinangyarihan ng insidente ang kasama nito. (Rose Tamayo)

Show comments