Kinilala ni PDEA Executive Director Undersecretary Anselmo Avenido Jr. ang mga nahuling suspect na sina Christopher de Mesa, 29, walang hanapbuhay ng Bagong Lipunan, Baclaran at Emmanuel Gonzales, 21, ng #2 Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Ayon kay Avenido, ang dalawa ay nabitag dakong alas-12:45 ng tanghali sa bisinidad ng Baclaran Catholic church, Parañaque City.
Base sa report ni PDEA Special Enforcement Unit P/Chief Insp. Jaime Santos kay Avenido, hindi na nakapalag ang dalawang suspect matapos maaktuhang nagbebenta ng illegal na droga sa kahabaan ng Redemptorist Road sa harap mismo ng simbahan ng Baclaran.
Nakuha mula sa mga suspect ang 50 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P110,000.
Nabatid na lingid sa kaalaman ng mga suspect ay matagal nang tinutugaygayan ng mga awtoridad ang kanilang mga kilos matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa talamak na pagbebenta ng mga ito ng shabu sa nasabing pook sambahan.
Kasalukuyan na ngayong nakakulong ang mga suspect na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2002. (Ulat nina Joy Cantos at Lordeth Bonilla)