Mahilig magmura, inatado

Agad na nasawi ang isang magbobote nang pagsasaksakin sa leeg ng kanyang kapitbahay dahil sa malimit na pagmumura, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Angelito Justiniano, 43, ng Galauran St., 6th Avenue, Caloocan City.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Roldan Puetestad na mabilis na tumakas matapos ang isinagawang krimen.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon ng maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.

Ayon sa mga nakasaksi, kasalukuyang natutulog ang biktimang si Justiniano sa loob ng kanyang kariton nang lapitan ng suspect at saka sunud-sunod na inundayan ng saksak sa leeg na naging sanhi ng daglian nitong kamatayan.

Binanggit pa ng ilang kapitbahay ng suspect, na madalas umanong banggitin sa kanila ng huli na kapag nagkaroon siya ng pagkakataon ay papatayin niya ang biktima dahil sa lagi siyang minumura nito.

Kamakalawa nga ay nakita nitong tulog ang biktima kaya inundayan niya ito ng sunud-sunod na saksak at saka mabilis na tumakas. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments