Pinagtaksilan ng ka-live-in binata,nagbigti

Winakasan ng isang 21-anyos na binata ang kanyang buhay sa pamamagitan nang pagbibigti makaraang mabisto niya ang ginagawang pagtataksil ng kanyang ka-live-in, kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Nakilala ang nasawi na si Bryan Ingal, ng #110 Adella St., 10th Avenue Grace Park sa nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang madiskubre ang ginawang pagbibigti ni Bryan. Natuklasan ang nakabiting katawan nito sa loob ng kanilang kuwarto.

Nabatid na bago ang isinagawang pagpapakamatay ni Bryan ay kapansin-pansin na ang pananamlay nito matapos na mabisto na may ibang lalaki ang kanyang kinakasama.

Isang suicide note ang iniwan ni Bryan para sa umano’y ka-live-in nitong si Sayon na dito sinasaad ng nasawi na hindi niya matanggap ang ginawang pagtataksil ng kanyang mahal. (Ulat ni Jo Cagande)

Show comments