Ayon kay PDEA Executive Director Gen. Anselmo Avenido Jr. dakong alas-12 ng tanghali nang masabat ang isang fan-footer container van patungong Cebu na naglalaman ng 144 drums ng nasabing mga ilegal na kemikal.
Bago ang operasyon, ayon kay Avenido ay nakatanggap ng tawag sa telepono ang PDEA hinggil sa umanoy mabahong amoy at usok na nagmumula sa loob ng container van.
Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng PDEA kung saan nasamsam ang drum-drum na mga kemikal habang inilululan sa Gothong van patungong Cebu.
Nabatid na ang idineklarang laman ng container van ay mga plastic plates na nagkakahalaga ng P150,000 na naka-consign sa isang Allan Garcia na isang negosyante sa Cebu City.
Gayunman ng kanila itong inspeksiyunin ay nadiskubreng mga sulfuric acid, ether at acetone na nakalagay sa 144 drums na ginagamit sa paggawa ng shabu.
Inimbitahan naman para kuwestiyunin sina Marlon dela Cruz at Antonio Molino.
Posible umano na nakatakdang ideliber ang mga kemikal sa shabu laboratory na pinatatakbo ng sindikato ng droga sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)