Nakilala ang nasawing BoC official na si Atty. Clemente Heraldo, legal officer 5 ng Personnel Division sa nasabing bureau at residente ng Adonis St., Pandacan, Maynila.
Samantala, nadamay at nasawi rin sa naganap na ambush si Engr. Mauricio Gallo, staff supervisor ng Shell Phils.
Sugatan naman ang misis nito na si Luisa Gallo, 38, habang masuwerte namang nakaligtas ang anak na si Jericho, 8.
Base sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga malapit sa bahay ni Atty. Heraldo sa kanto ng Adonis at Leoncio St., sa Pandacan.
Nabatid na nagkamali ang mga suspect na lulan ng mga motorsiklo sa kanilang pananambang nang una nilang paulanan ng bala ang pamilyang Gallo habang sakay sa kanilang kulay asul na Toyota Revo na may plakang XAP-263.
Tinamaan si Mauricio sa dibdib at ang kanyang misis sa kaliwang bahagi ng katawan. Masuwerteng hindi nahagip ng bala ang kanilang anak na si Jericho.
Matapos paulanan ng bala ang sasakyan ng mga Gallo, isa sa mga suspect ang sumigaw nang "Ay mali" ng mabatid nilang hindi Revo ang kanilang target. Dito sumulpot naman ang kulay asul na Mitsubishi Pajero ni Heraldo na siyang talagang target ng mga suspect.
Mabilis na hinabol ng mga suspect ang sasakyan ni Heraldo kung saan muli itong pinaulanan ng bala ng baril.
Tumakas ang mga suspect sakay ng isang tricycle na kanilang pinara at nagsibaba sa Carreon St.
Nabatid na si Heraldo na target talaga sa ambush ay sinibak sa tungkulin bilang hepe ng Internal Inquiry and Prosecution Division noong nakaraang Hunyo dahil sa mga umanoy iregularidad. Hindi pa mabatid kung ano ang motibo sa isinagawang pamamaslang. (Ulat ni Danilo Garcia)