Ito ang inamin kahapon ni Defense Secretary at Anti-Terrorism Task Force chief Eduardo Ermita sa kabila nang pagkapigil sa planong pambobomba sa Metro Manila matapos na madakip ang apat na pinaniniwalaang teroristang ASG sa pinaigting na operasyon na isinagawa sa Makati at Quezon City kamakailan.
Kasabay naman nito, dalawa pa ring hinihinalang mga terorista na naatasan ding magsagawa ng mga pambobomba sa Metro Manila ang nadakip ng pulisya sa isinagawang follow-up operations sa ni-raid nilang safehouse sa Quezon City kahapon.
Kinilala naman ni Chief Supt. Ismael Rafanan, director ng PNP Intelligence Group ang isa sa nasakote na si Walter Ancheta Villanueva, alyas Abdul Wali. Hindi pa pinangalanan ang isa pang nadakip para na rin sa isasagawa pang follow-up operation.
Ang dalawa ay sinasabing kasamahan ng naunang apat na nadakip na nakilalang sina Alhamser Manapat Limbong, alyas Hasan Yassaf Kosovo, ikalawang pinsan ni ASG chieftain Khadaffy Janjalani; Redendo Villosa, alyas Abil Akhmad, explosive expert; Abdulrasud Lim, alyas Abu Hanifa at Radsamar Sankula.
Ang dalawang huling nadakip ay natunton ng operatiba sa may SM Fairview sa Quezon City at nasamsam sa mga ito ang sari-saring mga eksplosibo at mga armas.
Sa banta pa ng terorismo, sinabi ni Ermita na kasalukuyan pang pinaghahanap ang mga nakatakas na kasamahan ng mga nadakip kung kaya hindi maiaalis na mayroon pa ring pagbabanta ng karahasan sa Metro Manila.
Bunga nito, pinag-iingat ni Ermita ang taumbayan na huwag maging kampante at sa halip ay maging mapagmasid sa lahat ng oras. (Ulat ni Joy Cantos)