4 na bomber ng ASG nalambat

Apat na miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na pinaniniwalaang may kaugnayan sa mga dayuhang teroristang Jemaah Islamiyah (JI) ang nasakote ng mga tauhan ng pamahalaan sa dalawang magkahiwalay na raid na isinagawa sa Quezon City at Makati City.

Ito ang inihayag kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kasabay nang pagbubunyag na napigilan ng mga awtoridad ang mala-Madrid style na pambobomba na plano ng nasabing grupo sa Metro Manila.

Kinilala ang mga nadakip na sina Alhamser Manatag Limbog, alyas Hassan Sayyaf Kosovo, pinsan ni ASG chieftain Khadafy Janjalani at ang pumugot sa ulo ni Peruvian American hostage na si Guilermo Sobero; Rodendo Cain Dellosa, alyas Habid Akmad Dellosa; Abdurasid Lim at Radzmar Sanfullah.

Nabatid naman sa mga opisyal ng militar na ang nasabing mga suspect ay sangkot sa Dos Palmas kidnapping noong Mayo 27, 2001, Sipadan hostage crisis matapos na dukutin ng mga ito ang may 21 katao kabilang ang 18 Europeans sa Sipadan Beach Resort sa Sabah, Malaysia noong Abril 23, 2000 at sa pambobomba sa Malagutay Zamboanga del Sur noong taong 2002.

Nabawi mula sa mga nadakip na suspect ang 80 pounds ng TNT explosive powder na hinihinalang balak ng mga itong gamitin sa paghahasik ng terorismo sa Metro Manila lalo na sa matataong lugar partikular sa istasyon ng MRT, LRT at mga malls. (Ulat nina Joy Cantos at Lilia Tolentino)

Show comments