Nabatid na umaabot sa 6,000 PNP at AFP personnel ang ipinakalat sa Metro Manila upang maiwasan ang anumang epekto ng nationwide strike ng mga transport group.
Ayon kay AFP Spokesman Lt. Col. Daniel Lucero naka red alert ang National Capital Regional Command simula alas-8 ng umaga ngayon upang paghandaan ang strike.
Sinabi ni Lucero na inatasan na rin ni AFP Chief of Staff Narciso Abaya ang lahat ng military units na ilabas ang kanilang mga sasakyan sa pagpapatupad ng Oplan Libreng Sakay sa mga commuters na maapektuhan ng strike.
Tiniyak din ni NCRPO chief Director General Ricardo de Leon na handa din ang lahat ng kanyang mga district directors sa pagmomonitor ng mga galaw ng mga transport group sa bawat sulok ng Metro Manila.
Nakipag-ugnayan din sila sa mga local government unit upang maglaan ng mga sasakyan na maghahatid sa mga commuters na apektado ng strike.
Ayon naman kay PNP Directorate for Operation chief Director Avelino Razon Jr., minomonitor din nila ang kilos ng mga transport group sa ilang lalawigan partikular na ang mga nasa Central Luzon kung saan naparalisa nito kamakailan ang biyahe ng mga jeep.
Dahil dito, ilan sa mga kritikal na lugar na minamanmanan ng kapulisan ay ang Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Pasay, Taguig at Makati.
Iginiit naman ni de Leon na ang karagdagang puwersa ng pulis ay depende sa magiging sitwasyon ng lugar na apektado ng strike. (Ulat nina Cristina Mendez at Doris Franche)