Ang mga suspect na sina Danilo Arispe alyas Patrick Tan, 53 at Venancio Espineda, 42, PAL employee at kapwa naninirahan sa 83 Durian St. Project 2,Q.C. at Alfonso Macahig, 40, tubong Negros ay positibong itinuro ng biktimang si Carmencita Torres ng 145 Fort Santiago St. Bago Bantay, Q.C.
Ayon kay Chief Inspector Rudy Jaraza, hepe ng CPD-DPIU ang modus operandi ng tatlo ay ang pagbebenta ng Sirius Brand Hyper Enzyme na umanoy pampatubo ng perlas.
Sinasabihan din ng mga suspect na dodoble ang kanilang kita sa P20,000 na puhunan at bibigyan ng paalala ang bibili na huwag munang bubuksan ang produkto upang hindi ma-expose.
Subalit ayon kay Torres, agad niyang binuksan ang kahon at laking gulat niya nang makita na asin lamang ang laman ng mga nito.
Bunga nito, nagpanggap na bibili ng perlas ang isang kapitbahay ni Torres na umorder ng 50 kahon ng produkto at agad na dinakma ng mga pulis sa aktong dala ng mga suspect ang mga kahon.
Hinihintay naman ng pulisya ang iba pang mga biktima ng mga suspect upang tuluyang sampahan ng syndicated estafa sa QC Prosecutors Office. (Ulat ni Doris M. Franche)