Bitay sa yaya na kumidnap sa alaga

Parusang bitay ang ipinataw kahapon ng Korte Suprema sa isang yaya na dumukot sa kanyang 5-anyos na alaga sa Parañaque City noong 1995.

Base sa 38-pahinang per curiam decision ng SC en banc, ipinataw nito ang parusang kamatayan laban sa katulong na si Elizabeth Castillo bunga ng kasong qualified kidnapping at serious illegal detention sa kanyang alaga na si Horacio "Rocky" Cebrero IV.

Ang pangyayari ay naganap noong Marso 1, 1995 kung saan ay namamasukan si Castillo sa pamilya Cebrero ng Classic Homes, BF Parañaque.

Base sa rekord ng korte, sinundo ang biktima sa paaralan ng isa pang akusado na si Evangeline Padayhag at dinala ang bata kay Castillo kung saan ikinulong ang biktima sa loob ng tatlong araw.

Laking gulat ni Luis Cebrero, ama ng bata ng hindi na umuwi ang kanyang anak, hanggang sa may tumawag na sa kanya sa telepono na isang babae na humihingi ng isang milyong ransom kapalit ng kalayaan ng bata.

Nagkatawaran ng ransom hanggang sa mauwi na lamang ito sa kalahating milyong piso kung saan ay pumayag naman ang akusado.

Naganap ang pay-off noong Marso 4, 1995 kung saan iniwan ang pera sa terrace ng isang simbahan. Matapos ang bayaran ay nawala na ang mga akusado.

Marso 21, sa bisa ng search warrant ay nilusob ng mga awtoridad ang bahay nina Castillo sa Dipolog at nakuha sa kanya ang bahagi ng ransom na P277 libo na lamang.

Ikinatuwiran ni Castillo sa Mataas na Hukuman na kaya niya nagawang dukutin ang bata ay dahil sa sinuba siya ng kanyang amo sa sahod sa kanya.

Hindi naman tinanggap ng korte ang ganitong argumento.

Bukod sa bitay pinagbabayad rin ng korte si Castillo ng halagang P100,000 bilang danyos.

Pinawalang-sala naman si Padayhag dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya laban dito. Ang naging partisipasyon lamang nito ay sunduin ang biktima at walang nakikitang basehan para sabihing kasabwat siya sa krimen. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments