Milyon-milyong halaga ng kemikal sa paggawa ngshabu nasamsam

Tinatayang aabot sa milyun-milyong halaga ng mga kemikal at kagamitan sa paggawa ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos salakayin ang isang bodega ng shabu sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Ayon kay PDEA Executive Director General Anselmo Avenido, bandang alas-11 ng umaga nang salakayin ng kanyang mga tauhan ang isang laboratoryo ng shabu sa No. 337 General Tinio St., Morning Breeze Subdivision, Caloocan City.

Nakuha sa lugar ang sari-saring kagamitan at sangkap sa paggawa ng shabu.

Sinabi ni Avenido na ang nasabing laboratoryo ng ilegal na droga ay maaaring makagawa ng 125 kilo ng shabu sa loob ng isang araw.

Gayunman, wala ni isa mang drug lord o mga tauhan nito ang nasakote ng mga awtoridad.

Ayon kay Avenido, ang nasabing warehouse ay dating inuupahan ni Jackie Sy mula sa may-ari nitong si Jimmy Chua Reyes na inabandona ng tenants nito matapos na mabigong bayaran ang buwanang rental fee.

Nabatid kay Avenido na ang raid ay kasunod ng isinampang kaso sa korte ni Reyes kung saan ipinag-utos ng sheriff na buksan ang lugar para makuha ang anumang bagay na maaari pang pakinabangan bilang kabayaran sa hindi nabayarang upa sa nasabing bahay.

Matapos buksan ay tumambad na ang mga nakaimbak pang kemikal at mga gamit sa pagma-manufacture ng shabu.

Patuloy naman ang isinasagawang pagtugis ng mga awtoridad laban kay Sy. (Ulat nina Joy Cantos at Rose Tamayo)

Show comments