PNP inalerto sa pasimula ng kampanya sa local election

Kasabay nang pag-arangkada ng kampanya para sa mga kandidato sa local level muling isinailalim kahapon sa heightened alert status ang buong puwersa ng PNP.

Sinabi ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane Jr. na ang hakbang ay upang matiyak na magiging mapayapa at masusupil ang mga karahasan para sa nalalapit na halalan.

Ayon pa kay Ebdane ang pagsasailalim sa heightened alert status ay ang ‘2nd phase’ na ng inilatag na contingency plan na kinapapalooban rin ng mga checkpoints, chokepoints, gun ban at iba pa.

Samantala, nabuwisit naman ang mga commuters sa Maynila sa unang araw ng kampanya para sa mga lokal na kandidato matapos na magdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa bawat sulok ng lungsod kahapon.

Dakong alas- 7 ng umaga ay magkakahiwalay na dumalo sa misa ang grupo ni Manila Mayor Lito Atienza sa Quiapo Church, samantalang ang katunggali nitong si dating Mayor Mel Lopez ng KNP ay sa Sto. Niño Church sa Tondo naman kasama ang kani-kanilang mga kandidato na nag-iikot sa lungsod.

Dahil dito, nagsikip ang daloy ng trapiko partikular sa España at Recto kung saan hindi umaandar ang mga sasakyan dahilan upang ma-late ang maraming mga magsisipasok sa trabaho.

Nagkabuhol-buhol din ang trapiko sa CAMANAVA area dahil sa kabi-kabilang pagpaparada ng mga kandidato sa lokal. (Ulat nina Joy Cantos,Gemma Amargo at Rose Tamayo)

Show comments