Nakilala ang nahuling lider ng transnational drug syndicate na si Ang Tieng Shien, alyas Francis Chan, 34, itinuturong may-ari ng shabu laboratory at warehouse na nalansag ng PNP-AID-SOTF at PDEA sa sinalakay na laboratoryo ng shabu sa Las Piñas noong nakalipas na Enero 11, 2004 na dito nasamsam ang may 21.919 kilo ng ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ni PNP-AID-SOTF chief Deputy Director General Edgar Aglipay na si Shien ay nasakote dakong alas-5 ng hapon kamakalawa sa may Century Park Hotel sa Manila.
Ito ay inaresto sa bisa ng mission order na inisyu ni Bureau of Immigration Commissioner Alipio Fernandez Jr.
Nasakote naman sa isang follow-up operation ang isa pang Chinese national na alipores ni Shien na nakilalang si Chua A-Lee, alyas Tony Chua sa pinagkukutaan nito sa Lot 1 Block 25, Maple St., Rainbow Village V. de Paro, Caloocan City.
Sinabi ni Aglipay na ang pagkakasakote sa dalawang dayuhan ay resulta ng masusing surveillance operations laban sa ilegal na aktibidad ng mga ito matapos positibong ituro ng kanilang mga impormante.
Patuloy naman ang isinasagawang pagtugis ng mga awtoridad laban sa 16 pang Chinese national na pinaniniwalaang mga big time drug traffickers na kumikilos sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)