Seaman inambus,patay

Isang seaman na pabiyahe na pa-Hong Kong ang nasawi matapos itong tambangan at pagbabarilin ng apat na kalalakihan, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.

Namatay noon din si Dondie Labrador, 32, ng Block 64, Perlas St., Doña Julieta Subdivision, Barangay Pulang Lupa 2 ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng limang tama ng bala ng baril sa ulo na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Kaagad namang tumakas ang apat na hindi pa nakikilalang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7 ng umaga sa Doña Julieta Bridge sa Doña Julieta Subdivision, sa nabanggit na lugar.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa lugar kung saan inaabangan na ito ng mga suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril. Mabilis na tumakas ang mga suspect lulan ng isang tricycle matapos ang isinagawang krimen.

Love triangle ang isa sa anggulong nakikita ng pulisya na motibo sa pagpaslang, gayunman patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa iba pang anggulo ng kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments