Kasabay nito, nasagip din ng mga awtoridad matapos ang tatlong araw na pagkabihag ang isang Fil-Chinese trader na siyang pinakahuling biktima ng naturang grupo. Kinilala ni NAKTAF Chief Angelo Reyes ang nasagip na biktima na si Genevieve Sy, 27, ng Oroquieta St., Sta. Cruz, Manila .
Ang biktima ay nabawi sa mga kidnappers matapos salakayin ang hideout ng mga ito sa Yupeco Subdivision, Brgy. San Luis, Antipolo City bandang alas-4:30 ng madaling araw.
Sa report ni P/Supt. Alejandro Gutierrez, pinuno ng PNP-CIDG operatives na nagsagawa ng raid, walo sa mga suspect ang nasakote sa Antipolo City, habang ang pito pa ay nadakip naman matapos ikanta ng kanilang mga kasamahan sa isang follow-up operations sa North Fairview, Quezon City.
Nakilala naman ang nasakoteng lider ng Waray-Waray KFR gang na si SPO4 Romeo Ayson, nakatalaga sa PNP-CIDG sa Camp Crame.
Sinabi ni Reyes na si Ayson ay unang nadakip matapos na magsagawa ng pay-off sa Yupeco Subdivision sa Antipolo City kung saan napagkasunduang ibigay ang P500,000 ransom kapalit ng pagpapalaya sa biktima. Subalit lingid sa kaalaman ni Ayson ay tinutugaygayan na siya ng mga awtoridad matapos na ireport ng pamilya ni Sy ang pagdukot sa biktima.
Ang iba pang nahuling mga kidnapper ay nakilala namang sina Jaime Oliva, Sebastian Magaybo, Edwin Castillo, Romeo Olatan at tatlong iba pa na hindi pinangalanan. Ang mga ito ay natimbog sa operasyon sa Antipolo.
Nasakote naman ganap na alas-5 ng umaga sa Block 86, Lot 24, Phase 8, North Fairview, Quezon City ang lima pa sa mga suspect na kinilala namang sina Mary Ann Culanag, Janneth Partiluna, George Lantia, Pepe Bihag, Julien Madrid at dalawang iba pa.
Sinabi ni Reyes na nabawi rin mula sa mga suspect ang P500,000 ransom. Nabatid na ang mga kidnapper ay nauna nang humingi ng P50M na naibaba sa P500,000 kapalit ng pagpapalaya sa biktima.
Nabatid pa na tuwing tumatawag ang mga kidnapper sa pamilya ni Sy ay palaging nagbabanta ang mga ito na itutulad nila ang bihag sa pinaslang na kidnap victim na si Betti Chua-Sy kapag di naibigay ang hinihingi nilang ransom.
Si Genevieve ay magugunitang lulan ng kanyang pulang Lancer nang dukutin ng mga armadong kalalakihan nitong nakalipas na Marso 18 sa Manuguit St. Tondo, Manila.
Kasalukuyan nang nakapiit sa detention cell ng PACER sa Camp Crame ang mga suspect habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga ito. (Ulat nina Joy Cantos,Edwin Balasa at Doris Franche)